
NI BIBOY DE LEON
NAGPAHAYAG noong Martes ang Commission on Elections (Comelec) na ang pagpayag sa paglalagay ng voting precinct sa mga mall ay magbibigay ng kaginhawaan sa publiko, bagaman ito ay nagdulot ng ilang hamon para mapabuti ang sistema.
Sa ulat sa isinagawang voting dry-run sa mga piling mall sa Manila, Cebu, at Legazpi City noong Agosto 19, sinabi ng Comelec na ang mall voting setup ay nagbigay ng pangkalahatang “accessibility and convenience” sa vulnerable sector lalo na sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs) at mga buntis.
Gayunpaman, nabanggit din nito ang ilang naging mga problema.
“May mga lugar ng botohan na may maliit na puwang/pasukan na lugar sa aktwal na lugar ng pagboto na maaaring maging mahirap para sa mga botante ng PWD (mga may wheelchair, atbp.) na lumipat sa lugar ng pagboto,” ayon sa ulat, na sinabing ang ilan sa mga lugar na ito “ay matatagpuan sa pinakamataas na floor ng mga gusali.”
Binanggit din sa ulat ang isyu tungkol sa oras ng pagpapatakbo ng mga mall, na makahahadlang sa mga botante na matapos ang kanilang mga gawain nang maaga.
Binanggit din sa ulat ang hindi sapat na espasyo sa mga waiting area, maliliit na signage ng polling space, at ang aktwal na pagtatalaga ng lugar ng mga tauhan mula sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Nakipagtulungan ang Comelec sa SM Supermalls at Robinsons Malls para sa Barangay at Sangguniaang Kabataan Elections (BSKE).
Sa ilalim ng partnership, ang mga piling barangay sa paligid ng 10 malls sa Metro Manila, Legazpi, at Cebu, ay gagawing polling area nang libre sa Oktubre 30.
Aabot sa 16,205 na mga botante ang inaasahang maaaring ma-accomodate sa mga mall na ito, kung saan ang pinakamataas na kalahok ay mula sa Quezon City, Parañaque, at sa bayan ng Consolacion, Cebu.