
INATAKE ng mga armadong kalalakihan nitong Huwebes ang isang oil tanker na naglalayag malapit sa siyudad ng Sohar sa Oman.
Sakay ng na-hijack na St. Nikolas oil tanker na may bandilang Marshall Islands ang 18 tripulanteng Pinoy at isang Griyego.
Ang tanker na patungong Turkey ay may dalang 145,000 metriko toneladang langis mula Iraq.
Sa pahayag ng British Maritime Security Firm na Ambrey, pinatay ang AIS tracking system ng naturang oil tanker habang naglalayag ito patungo sa direksiyon ng Bandar-e-Jask Port sa Iran.
Kadalasan, ang pangha-hijack ng Iran sa mga commercial vessel sa Red Sea ay nangyayari sa bahagi ng Bab al-Mandab Strait sa timog-kanluran ng Arabian Peninsula.
Ngunit nitong Huwebes, nangyari ang hijacking malapit sa Strait of Hormuz sa pagitan ng Oman at Iran.
Ang Iran ay nakikisimpatiya sa kasalukuyang digmaan ng militanteng Hamas ng Palestine at Israeli military.
Magugunitang ang St. Nikolas na oil tanker ay nasangkot na rin sa away sa pagitan ng Estados Unidos at Iran noong taong 2023.
Noong 2023, hinuli ng Estados Unidos ang St. Nikolas nang maglayag ito sa ilalim ng ibang pangalan na Suez Rajan.
Sinasabing tinangka umano ng Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran na magpadala ng kontrabandong Iranian oil sa China na isang paglabag sa “sanctions” ng Estados Unidos.