
NATIMBOG ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Biyernes ng hapon ang tinaguriang “Asia’s best hacker” sa isang operasyon sa Las Piñas.
Kinilala ang nasakoteng suspect na si Edgar Silvano Jr., 47, residente ng Bgy. Talon Dos, Las Piñas.
Si Silvano ay sinasabing nangtatarget ng mga dayuhan sa kanyang illegal online activities.
Nadakip ang suspect ganap na alas-2 ng hapon noong Biyernes sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Elizabeth Yu Guray ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 202.
Narekober mula kay Silvano ang 11 cellphone, pitong flash drives, limang laptop, apat na SD cards, tatlong wifi router, dalawang hard drives, isang desktop at isang modem.
Nakumpiska rin mula sa kanya ang ilang financial documents hinggil sa titulo ng lupa at ilang papeles sa pagbili ng sasakyan. Ang nasabing mga dokumento ay nagtataglay ng mga personal at bank account information ng ibang tao, anang pulisya.
Kinasuhan na ang suspect ng paglabag sa Republic Act 8484 o ang Access Device Regulations Act of 2012.
Nahaharap din ito sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 na nagpaparusa sa ilegal na pag-iingat ng baril. Ito’y makaraang makumpiska mula sa suspect ang isang 9mm pistol na may siyam na bala.
Ayon sa NCRPO, si Silvano ay tinaguriang “Asias best hacker” noong 2001 makaraang ma-hacked nito ang isang international banking system na nakabase sa Hong Kong.
Nakulong si Silvano subalit ‘di nagtagal ay napalaya rin sa ilalim ng ‘probation.’
Muli itong nadakip noong 2016 ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil naman sa paglabag sa Republic Act 8484 o pag-iingat ng ilegal na droga.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinailalim na sa data extraction at forensic examination.
Dinakip din si Marie Joy Espano, ang sinasabing kasabwat ni Silvano, dahil naman sa kasong obstruction of justice bunsod ng umano’y pagbibigay ng mga maling impormasyon sa pulisya.