NAKA-FULL alert ang Philippine National Police (PNP) mula pa noong Biyernes para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at Undas.
Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr., 187,600 pulis ang ipakakalat sa araw ng eleksyon.
Pinaalalahanan ni Acorda ang kapulisan sa mahalagang papel na gagampanan nito sa araw ng halalan sa Lunes, Oktubre 30.
Hinikayat niya ang mga ito na maging mapagmatyag, walang papanigan at maging tapat sa sinumpaag tungkulin.
Sinabi niya sa isang press briefing sa Camp Crame na nakaatang sa balikat ng PNP ang integridad ng gaganaping halalan at umaasa ang buong bansa na magagarantiyahan ang payapa at patas na eleksiyon sa Lunes.
Ang 187,600 PNP personnel ay sinimulan nang ipakalat mula pa nitong Biyernes.
Ani Acorda, ang pagpapakalat ng mga pulis, lalo na sa mga lugar na may naganap nang karahasan na may kaugnayan sa eleksiyon, ay napakahalaga.
Ito’y kasunod ng napaulat na pre-poll violence sa Cotabato, Abra at Masbate.
Sinabi niyang pinaigting na ang seguridad para mapanatili ang katahimikan at kaayusan.
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa iba pang law enforcement agencies upang masiguro ang coordinated response at mabilis na aksiyon sa anumang isyu.
Pangunahin umanong tungkulin ng pulis ay ang paglalagay ng checkpoints at mahigpit na border control.
“Malinaw ang mensahe namin sa taumbayan. Ang araw ng eleksyon ay mananatiling nasa aming kontrol at hindi namin kukunsintihin and anumang panggugulo o banta sa payapang pagdaraos ng halalan. Hinihikayat ko ang publiko na makipagtulungan at i-report ang anumang masasaksihan ninyong iregularidad o security concerns,” anang PNP chief.