INIHAYAG ng Toll Regulatory Board (TRB) na magtataas ng toll fees ang South Luzon Expressway (SLEX) at Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX) umpisa sa Nobyembre 3.
Sa isang advisory, sinabi ng TRB na ang toll hikes sa dalawang expressways ay ipatutupad sa dalawang tranches –- ngayong taon at sa susunod na taon—upang protektahan ang publiko sa inflation at hindi gaanong maramdaman ang epekto ng toll rate adjustments.
Ito ang kauna-unahang periodic toll rate adjustment sa SLEX simula 2011.
Ang mga motoristang bumibiyahe mula Alabang hanggang Calamba ay magbabayad ng karagdagang P10 para sa Class 1, P20 para sa Class 2 at P30 para sa Class 3.
Yaong mga bumibiyahe naman mula Calamba patungong Sto. Tomas, Batangas ay kinakailangang magbayad ng karagdagang P4 para sa Class 1, P6s a Class 2 at P8 para sa Class 3.
Sa MCX, sinabi ng TRB na dapat ay noon pang Hulyo 31 ito nagtaas ng singil sa toll subalit ipinagpalban ito ng bagong toll concessionaire bilang pagbibigay konsiderasyon sa tollway users.