
INIHAYAG kahapon ng poll watchdogs na “generally peaceful” ang nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKRE) nitong Lunes.
Ito’y sa kabila ng ilang napaulat na election-related deaths, kabilang na ang isa sa Lanao del Sur, at vote buying sa ibat’ ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa Legal Network for Truthful Elections (Lente), National Movement for Free Elections (Namfrel) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), base sa kanilang initial assessment ay “smooth at generally peaceful” ang BSKE 2023.
Sinabi ng Namfrel, na may 50,000 volunteers sa buong bansa, na nagpakita ng kahandaan ang Commission on Elections (Comelec) sa paghawak sa nagdaang halalan.
Nakapag-ulat din ng mataas na voter turnout sa karamihan sa voting centers.
Ang Lente na may 1,000 volunteers sa buong bansa na binubuo karamihan ng law students mula sa 45 law schools, paralegals at trained volunteers, bukod sa mahabang pila sa mga presinto at ilang mga nawawalang pangalan sa listahan ng mga botante, ay wala namang naiulat na iregularidad sa pilot testing ng automated elections system sa Dasmariñas City, Cavite at sa Quezon City.
Sinabi naman sa PPCRV na maayos din ang naging pagboto ng mga persons deprived of liberty (PDL) ngayong taon.
Idinagdag pa ng PPCRV na sa kalahatan ay sumunod naman sa mga patakaran ang mga botante sa nagdaang halalang pambarangay at kabataan.