
TULUY na tuloy na ngayong taon ang pagtaas sa limang porsiyento ng kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ayon sa PhilHealth, maliban na lamang kung haharangan ng Palasyo ay hindi na mapipigilan pa ang pagtaas ng kontribusyon alinsunod sa itinatakda ng Universal HealthCare Act.
“We have not received any message or directive from Malacañang, so we are just following the law. We already started implementing the increase,” ani PhilHealth president at chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. sa isang press briefing.
Sinabi niyang ang maaapektuhan ng limang porsiyentong rate adjustment na nagsimula na ngayong buwan ay ang kanilang mga direktang miyembro na kumikita ng mula P10,000 hanggang P100,000.
Gayunman, sinabi ni Ledesma na bukas pa rin sila sa posibleng suspensiyon ng pagtataas sa singil sa kontribusyon.
“If ever there is a directive or instruction from Malacañang, we will comply, but as of today, there is none,” paliwanag niya.
Ani Ledesma, sakaling mag-isyu ng suspension order ang Malacañang ay agad silang tatalima rito.
Nagbabala naman ang PhilHealth official sa magiging kahihinatnan sakaling suspendihin ang pagtaas sa singil sa PhilHealth premium rate.
“If this will be suspended by the President, that would mean minus P17 billion from PhilHealth’s fund for the year,” babala ni Ledesma.