
MAGIGING mas abot-kaya at mas maayos ang internet sa Pilipinas dahil naipasa na sa wakas ang SBN 2699 o ang “Konektadong Pinoy Act” sa Senado at sa Kongreso matapos ang matagumpay na Bicam noong Hunyo 9.
Ang naturang panukalang batas ay pangunahing inakda ni Sen. Imee Marcos.
“Isang malaking hakbang ito para sa lahat–magkakaroon na tayo ng mura at maayos na internet!,” saad ng senadora.
Pahabol pa ni Sen. Imee: “Hindi mo na kailangan pang makikonek sa WiFi ng kapitbahay para lang magawa ang mga school projects at assignments!”
Sa ilalim ng bagong batas, mapapasigla ang kompetisyon sa pagitan ng mga telco na magdudulot ng mas abot-kayang presyo at dekalidad na serbisyo.
Benepisyo rin ng batas ang espesyal na diskwento para sa mga mag-aaral.
May karapatan na rin ang mga konsumer na mag-terminate ng kontrata kung hindi maganda ang kalidad ng internet service.
“Tama na ang tiis-ganda na internet!” anang senadora.