ISANG criminology student ang nasawi dahil umano sa hazing ng isang fraternity sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Ahldryn Bravante, 25-anyos, 4th year criminology student sa Philippine College of Criminology (PCCR) at residente ng Imus, Cavite.
Si Bravante ay namatay matapos umanong sumailalim sa initiation rites diumano ng Tau Gamma Phi PCCR Chapter na isinagawa sa isang abandonadong gusali sa Sto. Domingo Avenue kanto ng Calamba St. sa Quezon City ganap na alas 2 ng hapon nitong Lunes.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), dalawang oras matapos ang initiation rites, nawalan ng malay ang biktima kung kaya isinugod ito sa Chinese General Hospital kung saan ito idineklarang dead on arrival.
Dalawa sa mga suspect na siyang nagdala sa biktima sa ospital ang inaresto ng pulisya habang dalawang iba pa ang sumuko naman sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Tinataya sa 10 iba pang suspects ang pinaghahanap ngayon ng pulisya.
Hustiya naman ang panawagan ng pamilya Bravante sa sinapit ng biktima.
Ayon sa ama nitong si Alexander Bravante, kalunus-lunos ang sinapit ng kanyang anak na nangingitim na ang mga hita dahil sa matinding palo. May mga sugat at paso ring nakita sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng biktima.
“Wala na ho, matigas na eh. Nung dinala dun sa ospital matigas na. Ibig sabihin n’un pinatay na nila ang anak ko,” anang ama.
Ayon pa sa ama, Linggo ng gabi nang huli niyang makausap ang anak na ang sabi ay maaga itong papasok ng araw ng Lunes.
Sa pahayag naman ng kapatid ng biktima na si Aura Bravante, gagawa ng thesis ang paalam ng kanyang kuya nang umalis ito ng kanilang bahay.
“Kamamatay lang po ng panganay naming kuya dahil sa aksidente. Humihingi po kami ng hustiya at tulong sa gastos dahil walang-wala rin po kami. Parang sinadya po ang pagpatay sa kuya Ahldryn ko,” pahayag nito sa isang panayam sa telebisyon.

P841-M FAKE PERFUMES, LOTIONS SEIZED IN VALENZUELA
63 NABBED IN ONLINE INVESTMENT SCAM HUB RAID IN PASIG
MANPOWER AGENCY IN MANILA CLOSED FOR ALLEGED ILLEGAL RECRUITMENT
NAVOTAS LANDFILL FIRE FULLY EXTINGUISHED – PRESIDENT MARCOS
11 NCR COPS AXED OVER ABDUCTION OPERATIONS
5 NABBED FOR ILLEGAL NOTARY IN MANILA
GAWAD KALINGA FOUNDER ARRESTED
STL BOOKIE OPERATOR ARRESTED WHILE COLLECTING BETS AT TARLAC PUBLIC MARKET
BLUE RIBBON COMMITTEE TO RESUME FLOOD CONTROL PROBE ON JUNE 4 – CAYETANO