
NAGBABALA ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na nagpaplanong mag-alok ng libreng sakay sa publiko sa Oktubre 30 na araw ng eleksyon na maaari silang kasuhan ng vote buying.
“Nakasanayan kasi natin iyong nagbibigay ng libreng sakay papunta sa eskwelahan, iyon din po mismo ay sana mapigilan din,” ani Comelec chairman George Erwin Garcia.
Ipinalabas ni Garcia ang babala sa ginanap na press briefing kaugnay ng “Operation Baklas” illegal campaign materials sa Smokey Mountains sa Tondo, Manila noong Biyernes, Oktubre 27.
Sinabi ng pinuno ng Comelec na ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga botante ay isang uri ng pagbili ng boto.
Ayon sa kanya, hindi man ito makaapekto sa gustong iboto ng isang botante, maaari umano itong magresulta sa suspensyon ng proklamasyon ng mananalong kandidato o mas malala ay madiskwalipika pa ito.
Samantala, iniimbestigahan na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang napaulat na umano’s insidente ng vote-buying sa Navotas City.
Ayon kay NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez,, isa ang naaresto at sinampahan na ng kaukulang kaso.
Una nang inilulat ng Comelec na mahigit isang libong envelopes na naglalaman ng P300 kada isa ang nabuking na ipamamahagi sana sa 200 rehistradong botante sa Malabon.
Katwiran naman ng mga sangkot na nahuli sa isinagawang “Operation Kontra Bigay” ng Comelec, nagdaraos lamang sila ng poll watchers’ training sa lugar.